Official Statement Matatandaang umatras si Davao City Mayor Sara Duterte sa kanyang re-election bid noong ika-9 ng Nobyembre 2021. Taliwas sa ilang ulit niyang pagtanggi sa hangaring tumakbo sa pambansang posisyon, pormal siyang naghain ng kandidatura bilang bise-presidente sa darating na halalan 2022 nitong Sabado (ika-13 ng Nobyembre) lamang. Mula sa Lakas-CMD, pormal siyang inampon at inindorso ni Bongbong Marcos na nasa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas. Hindi lamang estratehiya kundi isang panlalapastangan sa sagradong diwa ng demokrasya ang naganap na pabago-bagong desisyon at hindi makatwirang plano ng kampo ni Sarah Duterte-Carpio. Samakatuwid, ngayon pa lamang ay ipinakikita na nila ang balat-kayong paninindigan para sa bayan.
Bukod sa pagnanais ng mga Marcos na makabalik sa Malacañang, malinaw itong pakana upang mapanatili ng rehimeng Duterte ang bulok na paghahari-harian nito sa bansa at pagpapakatuta sa labas. Pinakikita nito kung gaano kaganid at uhaw sa kapangyarihan ang tambalang Marcos-Duterte. Bagaman ilang dekada na ang nakaraan mula noong Martial Law, tila ba hindi pa rin tapos ang mga elitistang trapo sa panggagarapal sa bansa. Hindi na bago ang paggamit ng ilan sa eleksyon upang isulong ang pansariling interes at pagtakpan ang korupsyon, ngunit dapat na itong tuldukan sa darating na halalan.
Ang pagsulong ng Marcos-Duterte tandem ay nangangahulugan ng pagpapatuloy ng mga kontra-mahihirap, kontra-masa, at hindi makataong polisiya. Gayundin ang pambubusabos sa mga biktima ng batas militar at extra-judicial killings na naganap sa rehimen ng kanilang mga ama. Nangangahulugan ito ng pagpapatuloy ng drakonikong patakaran at kawalan ng kongkretong tugon sa pandemya at iba pang suliraning panlipunan. Isa rin itong pagbubulag-bulagan sa tandisang pag-apak sa hustisya ng mga nasa laylayan ng lipunan at kawalan ng katarungan para sa mga na-agrabyado ng mga nasa kapangyarihan. Dagdag pa, manipestasyon din ito ng kakulangan ng sistemang pampulitika dahil sa pagbibigay nito ng pagkakataon sa mga tiwaling pulitiko, magnanakaw, at mamamatay tao na magkamal ng kapangyarihan.
Sa madaling salita, ang hakbang ng Marcos-Duterte tandem ay aktibong pagtatangka na burahin ang mga kasalanan ng kanilang angkan—isang hakbang upang kalimutan ang kasaysayan. Ang halalan 2022 ay tunggalian hindi lamang ng mga trapo kundi lalo’t higit ng interes ng Marcos-Duterte laban sa masang Pilipino.
Bilang mga iskolar ng bayan, nararapat na ihanay ang ating mga sarili sa masang labis na inaabuso ng mga makakapangyarihan; palakasin ang boses na pilit na binubusalan. Ngayon higit kailanman, panahon na upang wakasan ang anumang desperadong galaw ng mga mapanamantala na kunin ang kapangyarihang sa atin mismo nanggagaling. Mula rito, ipinapanawagan na tayo ay maging bukas ang isip at kalooban sa mga lehitimong impormasyon, artikulo, at datos. Gayundin, tungkulin natin ang isiwalat ang katotohanan sa hanay ng masa sa pamamaraang naaabot ng lahat ng sektor. Sapagkat sa harap ng ganitong mga pananalaula’t paglalapastangan, nararapat na lagutin natin ang siklo ng pambubusabos at kasinungalingan. Kaya naman, makiisa sa pagkundena sa tambalang Marcos-Duterte at sa pagsulong ng ating lapat sa lupang interes ng mamamayan sa pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa, nakabubuhay na pasahod, makamasang paninirahan, makabayan at siyentipikong edukasyon, at solusyong medikal para sa krisis pangkalusugan!
Huwag nating hayaang maluklok na naman ang pasistang rehimen na nagpahirap at patuloy na nagpapahirap sa taumbayan. Kasabay nito ay ang panawagan na wakasan na ang nananalaytay na dinastiya sa pulitika. Tigilan na ang paggamit sa eleksyon upang manatili at magbalik sa kapangyarihan para sa pansariling interes. Maging mapagmatyag tayo sa ating iboboto. Walang puwang ang mga pasista sa Pilipinas!
At sa lahat ng ito, malinaw sa atin ang isang bagay: Hangga't may lipunang pinagsasamantalahan ng mga makakapangyarihan, patuloy na mag-aanak ito ng mga pasista tulad nina Marcos at Duterte. Sa ganitong diwa, tibayan natin ang ating hanay kasangga ang malawak na hanay ng masa at magkaisa para sa lipunang tunay na malaya laban sa mga pahirap at pasista.
Comments