top of page
Search
Writer's pictureCPSPA Student Council

Araw ng Kabayanihan ni Dr. Jose Rizal



Mahigit isang daan at dalawampung taon na ang lumipas mula ng binaril si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan. Kilala bilang ating pambansang bayani, si Rizal ay buong tapang na sumulat upang isiwalat ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng kolonyal na pamumuno ng mga Espanyol. Dala ang damdaming makabayan at kakayahang intelektwal ay nanguna si Rizal para sa panawagan sa reporma, sa pantay na trato sa mga Pilipino, limitasyon sa kapangyarihan ng mga prayle, at representasyon ng Pilipinas sa Parlamento ng Espanya. Ang mga hakbanging ito na nagbigay daan din sa paggising ng damdaming makabayan ng mga Pilipino ang naging sandata ng Espanya upang siya ay dakpin, hatulan ng sedisyon, at sentensiyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Sa araw na ito, dala ng pagmamahal sa bayang sinilangan ay tumindig si Rizal kapalit ang kanyang buhay para sa minimithing reporma para sa Pilipinas.


Hindi natatapos sa paglaya sa mga mananakop ang tunggalian para sa lipunang may pagkakapantay-pantay at pagkilala sa karapatan ng bawat isa. Sa kasalukuyan ay humaharap pa rin ang ating bansa sa krisis at mga nakapalibot na isyung tumatawag ng agarang aksyon mula sa ating mga hinirang na lider. Nananatili at patuloy na umuusbong ang iba’t ibang panawagan pagdating sa mga batayang pangangailangan at serbisyo ng sambayanang Pilipino. Kinakaharap din ng ating lipunang ginagalawan ang banta sa karapatang pantao dala ng isyu ng pang-aabuso sa kapangyarihan na kaugnay ng nagbabanggaang pulitikal at personal na interes. Lumaya man ang bansa sa mapaniil na kamay ng mga mananakop ay nananatiling nakabaon sa ating sistema ang mga masamang gawi na patuloy ding nagsisilbing nakasanayang paraan sa bawat henerasyon. Sa puntong ito ay reporma rin ang nakikitang solusyon upang basagin ang sistemang nagluluwal at nagkikibit balikat sa patronahe sa pamahalaan at pangangasiwa sa publiko.


Ang paniniwala ni Dr. Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan ay isang hamon at paalala para sa mga Iskolar ng Bayan at bawat kabataang Pilipino upang gamitin ang ating nakamit na kalayaan para sa ikabubuti at ikauunlad ng ating sambayanan. Hindi nalalayo ang dinanas na pag-usig kay Rizal dahil sa kanyang pananaw, prinsipyo, at mga ipinaglalaban sa kasalukuyang banta, dagok, at pakikibaka ng mga Iskolar ng Bayan upang ihayag ang boses ng masang Pilipino, magbigay kritisismo at suhestyon sa pamahalaan, at pakikisangkot sa mga sosyo-sibikong aktibidad at gawain. Mabuti at malinis man ang intensyon, nahaharap ang mga Isko at Iska sa banta ng redtagging at militaristikong panghihimasok ng pamahalaan sa mga pamantasan. Kaakibat ng kakayahan at kapangyarihang mayroon tayo ay ang kolektibong responsibilidad sa lipunan upang tumuklas, makialam, tumindig sa tama at iwaksi ang anumang uri ng katiwalian, panlalamang, at pang-aabuso na dapat katigan ng gobyerno bilang ating aktibong bahagi sa pambansang kaunlaran. Ang pag-asa ng bayan ay nakasalalay sa mga kabataang aktibong titindig sa mga isyu at progresibong kikilos para iabante ang kapakanan ng bansa sa magkakaugnay na aspeto ng lipunan.


Malinaw ang mensahe ng Araw ng Kabayanihan ni Rizal - pahalagahan natin ang kalayaang mayroon tayo, palalimin at ipagpatuloy natin ang pagmamahal sa sariling bayan, gamitin ang karunungan at kakayahan para sa kabutihang panlahat. Matagal na panahon na ang lumipas mula nang tayo ay makalaya sa kamay ng mga mananakop ngunit hanggang sa kasalukuyan ay naiipit tayo sa mapaniil na sistemang mayroon sa bansa. Hindi na tayo dapat magpakulong at magpabiktima sa kung ano ang nakasanayan. Gaya ni Rizal na ginamit ang kanyang panulat ay mayroon tayong iba’t ibang paraan upang tumindig at lumaban. Sa darating na halalan, ang ating panulat at tinta naman ang ating gamitin at pairalin upang isulong ang ninanais na daloy ng kapalaran ng ating bayan. Sa darating na halalan ay kolektibo at kapit-bisig nating gawing bayani ang ating mga sarili para sa inaasam na tatahaking gawi ng ating bansa.


Ngayong araw, isang daan at dalawampu’t limang taon na ang lumipas mula ng itaya ni Rizal ang kanyang buhay para sa bayan. Simula ngayon at sa darating na bagong taon, mula sa hanay ng Kolehiyo ng Agham Pampulitika at Pangasiwaang Pangmadla, itaya din natin ang ating pagmamahal sa bayan para ilaban at ibante ang kung ano ang para sa mga Pilipino.





7 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page