Tumindig para sa pagkilala at proteksyon ng karapatan at kapakanan ng katutubong kultural na komunidad! Kolektibo, taas-noo at kapit-bisig na naninindigan at nakikiisa ang Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham Pampulitika at Pangasiwaang Pangmadla sa pagdiriwang ng Buwan ng Katutubong Pilipino. Para sa mayamang kultura, tradisyon, pamana at kontribusyon sa kasaysayan at para sa Katutubong Pilipino, ang komunidad ng ating kolehiyo ay sumasaludo!
Alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1906, ang buwan ng Oktubre ay kinikilala bilang Buwan ng Katutubong Pilipino. Kaugnay nito ay ang partisipasyon ng sambayanan sa pagdiriwang at pagpapanatili ng katutubong kultura ng ibaโt ibang komunidad bilang kabahagi ng daloy at takbo ng ating bansa. Sa pagbalangkas ng pambansang pagkakaisa at kaunlaran, kinikilala ng ating Saligang Batas ang bahagi ng mga katutubo. Ang mandatong ito ng ating konstitusyon ay pinagtitibay ng Batas Republika Bilang 8371 o kilala bilang โIndigenous Peopleโs Rights Actโ (IPRA) na nilagdaan noong Oktubre 29, 1997. Sa bisa naman ng Proklamasyon Bilang 486, ang nasabing petsa ay itinakda bilang โNational Indigenous Peoples Thanksgiving Day.โ Ngayong taon, sa pagdiriwang ng nasabing buwan na paggunita rin sa ika-dalawampuโt tatlong taong pagsasabatas ng IPRA ay inilunsad ang temang โKatutubong Filipino: Atin ang Tagumpay.โ Ito ay naglalayong itampok ang mga kaparaanan kung saan ang mga katutubo ay matatag na nananatili sa pagpapahayag at pagpapakita ng kanilang optimismo, paniniwala, at kasanayan upang manaig sa gitna man ng mga hamon sa kasalukuyan at hinaharap.
Ang imahe at katauhan ng ating bansa ay nakaugat at nakahulma sa mayaman, malawak, at sari-saring kaugalian, kultura, sining, at pagpapahalaga ng mga katutubo. Ang mahigit pitong libong pulo ng Pilipinas ay tahanan ng makulay at mayabong na kultura, sining, at tradisyon ng ating mga ninuno. Masasalamin sa mga ito ang identidad at kolektibong pagsusumikap ng ating mga katutubo upang itaguyod ang mga natatanging kaugalian na pamana sa mga susunod na henerasyon. Ang katutubong kultura at komunidad ay larawan din ng gawi ng pamumuhay na nananatili bagamat dumanas ang bansa sa kolonisasyon at pananakop. Ang pagpasok naman ng makabagong impluwensiya at dominanteng kultura sa gitna ng modernisasyon ay banta rin sa patuloy na pag-iral nito.
Sa kasalukuyan, bagamat may mga batas na nilagdaan para proteksyon, at pagkilala sa mga katutubo ay patuloy pa rin ang kanilang pagdanas sa diskriminasyon, paglabag sa karapatang pantao, hindi pantay at hindi makatarungang trato sa sa lipunang ginagalawan. Ilan sa mga patunay nito ay ang patuloy na banta at paglabag sa karapatan sa lupang ninuno. Dagdag pa ay humaharap din ang mga katutubo sa suliranin sa karapatan sa sariling pagpapasya ukol sa tunguhin ng kanilang pamayanan at tribu. Sa usapin ng pag-aari ng lupang ninuno ay hindi nagiging pabor sa mga katutubo ang probisyon kung saan mahaba ang proseso, magastos ang kaparaanan, at ang kaalamang teknikal ukol sa pananaliksik, sukat at hangganan ng teritoryo ay hindi natutugunan. Sa ganitong sistema ay nababawasan ang lawak at laban ng mga katutubo sa kanilang lupang pag-aari. Kinahaharap din ng mga katutubo ang malaking banta ng โextractive industryโ kung saan ang mga kumpanya at industriya ay labis na kumukuha ng likas na yaman sa mga lupang ninuno. Sa ganitong sitwasyon ay lubhang naaapektuhan ang natural na kabuhayan ng mga katutubo. Habang nakikinabang ang mga negosyante at industriya ay lumalala ang banta sa mga katutubo na mapalayas sa kanilang mga lupain. Ito ay sa ngalan ng kaunlaran na siyang panangga ng mga negosyante at ng mga ahensya ng pamahalaan. Patunay ang konstruksyon ng Kaliwa Dam at iba pang isyu ng mga IP sa ganitong sitwasyon kung saan apektado ang mga katutubong kabahayan at komunidad na kailangang lumikas.
Sa lahat ng ito ay matindi ang pananakot at paglabag sa karapatan ng mga katutubo. Ang pagsasamantala sa kawalan ng edukasyon at panunuhol ang intrumento ng mga mamumuhunan upang dumaloy ang mga proyekto nito sa kabila ng mali at di makatarungang proseso. Nakababahala rin ang mga lumalabas na kaso ng pamamaslang, pagbansag bilang terorista o komunista at ang pagsampa ng mga kasong walang katotohanan laban sa mga inosenteng katutubo. Ito ay manipestasyon lamang ng sistemang hindi pantay ang pagtingin sa mga IP. Sa ngalan ng komersyalismo ay inaapakan ang kanilang mga karapatan. Sa mababang pagtingin sa katayuan at pamumuhay ng mga kapatid nating katutubo ay patuloy na umiiral ang ganitong kultura at mapang-abusong sistema.
Bilang mga Iskolar ng Bayan, naninindigan tayo para sa mas malawak na panawagan upang iabante ang karapatan ng mga kapatid nating katutubo. Ang pagsusulong ng epektibo at naaabot na batayang serbisyo para sa mga kultural na komunidad ay matagal na dapat na naiabot at naitatag sa mga pamayanang IP. Ang usapin ng kalidad na edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, imprastraktura, at agrikultura ay matagal nang nanawagan ng agarang aksyon at tugon mula sa pamahalaan.
Ang Konseho ng Mag-aaral ng CPSPA ay naninidigan na atin ang tagumpay para sa katutubong Pilipino kung matutugunan ang mga pangangailangan ng mga kapatid nating IP. Atin ang tagumpay para sa mga katutubo kung lalabanan ang sistemang hindi pabor sa katayuan ng mga kultural na komunidad. Atin ang tagumpay kung mismong ang gobyerno ang lilikha at magsusulong ng mga polisiya, programa at kaparaanan na tunay na kikilala, mangangalaga, at poprotekta sa karapatan at kapakanan ng katutubong Pilipino. Ang kultura ng bayanihan ay dapat na ipamalas sa pamamagitan ng kolektibong laban at panawagan para sa dinaranas na diskriminasyon at paglabag sa karapatan ng mga IP.
Ang makulay na kultura na bitbit ng mga katutubo ay hindi na dapat pang mabahiran ng dugo mula sa hindi makatarungang sistema. Kolektibong tumindig at makiisa sa panawagan. Ibigay natin ang tunay na tagumpay para sa Katutubong Pilipino.
Statement: Albert C. Benaso
Pubmat: Kristina Cassandra Bello
Comments