Kaisa ng mga magsasaka ang hanay at komunidad ng Kolehiyo ng Agham Pampulitika at Pangasiwaang Pangmadla para iabante ang kolektibong laban at panawagan para sa kanilang karapatan, tunay, at makatarungang repormang agraryo.
Ngayong Oktubre ay ginugunita ang Buwan ng mga Pesante, na nagsimula lang bilang Araw ng mga Pesante na ginugunita tuwing Oktubre 21. Patunay ang kasaysayan sa mahabang panahong pakikibaka ng mga magsasaka upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari ng lupa at hustisyang panlipunan. Dahas, dugo, at bala โ ito ang palagiang tugon ng estado sa panawagan ng nasabing hanay. Ang Hacienda Luisita massacre noong 2004, Kidapawan protest incident noong 2016, at ang kasalukuyang patuloy na pagkitil sa buhay ng mga magsasaka sa kanayunan na inaakusahang terorista ay patunay lamang sa militaristang gawi ng estado at opresyon na ang lalong higit na biktima ay ang mga magsasaka.
Patuloy na naiipit ang mga magsasaka sa mga solusyon at polisiya ng estado na ang nakikinabang ay mga banyagang importer. Kamakailan lamang, ang pagpasa ni Duterte sa RA 11203 o kilala bilang Rice Liberalization Law o pagtanggal sa โquantitative restrictionโ sa pag-aangkat ng bigas ay nagbigay lamang ng dagdag dagok. Sa malayang pagpasok ng mga produktong agrikultural mula sa mga dayuhan at ang kawalan ng sapat na mekanismo upang protektahan ang mga lokal na prodyuser ay nasadlak sa pagkalugi ang mga Pilipinong magsasaka. Sa kabilang banda, hindi rin tinutugunan ng nasabing batas ang pangangailangan ng bansa na maging โself-sufficientโ sa pagpo-produce ng sarili nitong bigas at kasapatan ng pagkain sa kabuuan.
Sa Pilipinas ay nananatiling naghihirap ang karamihan sa mga magsasaka. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, pito sa sampung magsasaka ay walang sariling lupa. Ang problemang ito ay matagal nang nakaukit sa kasayasayan ng bansa at tumatawag ng makabuluhang tugon mula sa pamahalaan. Kinakailangan ang pagpasa ng tunay na repormang agraryo upang masusi na masolusyon ang mga isyung nakapaloob dito. Hanggat wala ito, patuloy na maghihirap ang mga magsasakang Pilipino. Patuloy ding makikinabang ang mga panginoong may lupa habang ang mga magsasaka ay bilad sa arawan at katiting lamang ang pakinabang sa kanilang pinagpaguran. Hindi hiwalay ang laban ng magsasakang Pilipino at ng sambayanan.
Hanggat hindi itinataguyod ng estado ang makatarungang repormang pang-agraryo, marami pa rin ang maiipit sa kahirapan at kagutuman. Karapatan sa pagmamay-ari ng lupa, libreng irigasyon, mekanismo sa pagpapaunlad ng agrikultura, isulong! Tumindig para sa karapatan ng mga magsasaka, tunay, at komprehensibong repormang agraryo!
Comments